Aides ni VP Sara gagawing ‘scapegoats’ sa confi funds

MANILA, Philippines — Nagbabala si Atty. Dino de Leon nitong Sabado na posibleng gawing scapegoats ang dalawang dating aides ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng kontrobersyal na confidential funds na sentro ng impeachment trial sa Senado.
Sa isang forum sa Dapo Restaurant, Quezon City, tinukoy ni de Leon sina Gina Acosta, dating Special Disbursing Officer ng OVP, at Edward Fajarda, dating SDO ng DepEd. Si Acosta ang nangasiwa sa pag-encash ng P500 milyon confidential funds ng OVP, habang si Fajarda naman sa P112.5 milyon confidential funds ng DepEd.
Ayon kay de Leon, apat na beses pina-encash ang tig-P125 milyon mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023, habang tatlong beses naman pina-encash ang tig-P37.5 milyon mula Pebrero hanggang Hulyo 2023.
“Sa kagustuhang iligtas si Sara Duterte, ang sarili niyang mga tauhan ang inilalaglag,” ani de Leon, convener ng Bantay Senado. Dagdag pa niya, nakababahala ito dahil malinaw na si VP Sara ang dapat managot, sapagkat sumunod lamang sina Acosta at Fajarda sa utos ng kanilang boss.
Sa Senate impeachment court, mismong COA auditor ang nagpatunay na ang pinuno ng ahensiya—si VP Sara—ang direktang responsable sa paggamit ng pondo at ari-arian ng gobyerno alinsunod sa Government Auditing Code.
“The funds were released under the authority of the Vice President. She approved the advances. She headed the offices that utilized the funds,” diin pa ni de Leon.
- Latest
























