Castro: Senator-judge, hindi dapat nakikipag-debate sa testigo

MANILA, Philippines — Pinuna ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang ilang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na umano’y umaaktong abogado ng depensa sa halip na tagapagtanong para sa paglilinaw.
Ayon kay Castro, makikita sa mga pagdinig na may sariling proseso at batas, ngunit nililihis at iniiba ang interpretasyon ng ilan, at hindi hinahayaan ang mga testigo na tapusin ang kanilang sagot.
“Bilang trial lawyer, ang judge ay nagtatanong para sa clarification, hindi para mag-cross examine ng testigo,” giit ni Castro.
Dagdag pa niya, hindi dapat nakikipag-debate ang senator-judge sa mga testigo dahil ang mandato nila ay kunin ang katotohanan para sa taumbayan, at hindi para umano’y pagtakpan ang mga iregularidad.
“Ang tungkulin nila ay ilabas ang dapat malaman ng tao, hindi walisin ang batas para itago ang kalokohan ng iba,” aniya.
Hindi tinukoy ni Castro kung sino ang mga senator-judge na tinutukoy, ngunit iginiit na makikita naman sa mga pagdinig kung sino ang nagko-cross examine.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang umano’y pinaka-biased na pahayag na narinig mula sa isang senator-judge na dapat managot ay ang School Division Office (SDO) lamang, kahit mayroong head of agency na dapat ding managot.
- Latest

























