Na-realize ang napakalaking biyaya
Dear Dr. Love,
Tawagin nyo na lang akong “Mang Berting.” Sumulat ako dahil ngayon medyo kulubot na ang balat ko at madalas nang sumakit ang aking mga kasukasuan, may napakahalaga akong napag-isipan.
Aaminin ko, nung kabataan ko, medyo mainitin ang ulo ko. Akala ko noon, “panali” o pahirap lang ang pagkakaroon ng asawa at mas masarap mabuhay nang malaya. Pero mali pala ako.
Ngayong dumating na ang mga sakit ng katandaan—mula rayuma hanggang altapresyon—doon ko napagtagpi-tagpi ang lahat.
Napakasarap at napakalaking biyaya pala ng may partner. Si misis ang nag-aabot ng gamot, nagluluto ng sopas na walang asin, at kusa pang naghihilot ng likod ko habang nagkukuwento ng mga lumang alaala. Kung nag-iisa lang ako ngayon, paano na lang kaya ako?
Mang Berting
Dear Mang Berting,
Salamat sa sulat mo. Pinaalalahanan mo kami na ang asawa ay hindi pala dagdag-sakit sa ulo—manggagamot pala kapag sumakit na ang buong katawan!
Nung kabataan natin, akala natin kaya nating tayuan ang mundo nang mag-isa. Pero kapag pumasok na ang rayuma at sakit sa balakang, doon natin napagtatanto: hindi sapat ang pride para mag-abot ng warm compress.
Ang pag-ibig sa katandaan ay hindi na usa-pin ng kilig, kundi ng pananatili at malasakit. Eto lang ang payo ko sa’yo, Mang Berting— Huwag mong ipagkait sa misis mo ang realization mo. Hawakan mo ang kamay niya ngayon at sabihin, “Salamat, mahal. Mapalad ako na ikaw ang nakasama ko, kundi baka amag na ako rito.” Ang taos-pusong pasasalamat ay mas mabisang pampahaba ng buhay kaysa alinmang bitamina.
Nawa’y bigyan pa kayo ng Maykapal ng maraming taon na magkasama at masiglang pangangatawan!
DR. LOVE
- Latest





















