Jobless Pinoy sumipa sa 2.5 milyon noong Mayo
MANILA, Philippines — Sumipa sa 2.5 milyong mga Pilipino ang walang trabaho nitong buwan ng Mayo, batay sa datos na ibinahagi kahapon ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, ang naturang tala ay katumbas ng 4.8% unemployment rate na mas mataas kung ikukumpara sa 4.7% noong Abril 2026, o katumbas ng 2.41 milyong Pinoy na walang trabaho.
Hindi hamak na mas mataas din ito sa 3.9% noong Mayo 2025, katumbas ng 2.03 milyong unemployed Filipinos.
Sa usapin ng mga Pilipinong manggagawa, naitala rin ng PSA ang 95.2% employment rate sa bansa noong Mayo 2026—na katumbas ng 49.63 milyong indibidwal.
Mas mababa ito sa 95.3% noong Abril 2026, kung saan umabot sa 48.89 milyong mga Pilipino ang may trabaho—pati na rin sa 96.1% o 50.29 milyong Pinoy noong Mayo 2025.
Batay sa paliwanag ng PSA, ilan lamang sa mga sektor na nakapagtala nang pinakamataas na employment sa bansa ay ang serbisyo, agrikultura, at industriya.
- Latest


















