Gilas gigil bawian ang New Zealand
MANILA, Philippines — Ibubuhos na ng Gilas Pilipinas ang lakas nito kontra New Zealand sa kanilang pagtutuos ngayong araw sa third window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nakatakda ang bakbakan ng Gilas Pilipinas at New Zealand sa alas-3 (alas-7 ng gabi oras sa Maynila) sa Spark Arena sa Auckland, New Zealand.
Fresh na lalaro si naturalized player Justin Brownlee na hindi nasilayan sa aksyon sa dalawang friendly games ng Gilas Pilipinas.
Pinatumba ng Gilas Pilipinas ang Manawatu Jets (92-61) kasunod ang pananaig sa Franklin Bulls (94-66) para walisin ang kanilang dalawang tuneup games.
Ngunit ibang usapan na ang aktuwal na laro dahil inaasahang ilalatag ng New Zealand ang matikas na puwersa nito upang madepensahan ang kanilang home court.
Wagi ang New Zealand sa Gilas Pilipinas sa kanilang paghaharap noong Pebrero 26 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kaya naman gigil ang Gilas Pilipinas na makaresbak upang makuha ang ikatlong panalo nito sa Group A.
Parehong may 2-2 rekord ang Gilas Pilipinas at New Zealand habang namamayagpag ang Australia na may malinis na 4-0 baraha. Wala pa ring panalo ang Guam sa apat na pagsalang.
Awtomatiko nang umusad sa susunod na round ang Australia at Gilas Pilipinas kaya’t no bearing na ang mga susunod na laro nito.
Maliban kay Brownlee, aasahan din ng Gilas Pilipinas sina Justin Baltazar at Mike Phillips na siyang hahalili sa puwesto nina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown.
Umaasa ang coaching staff na magiging maayos na ang lagay ni Phillips matapos magtamo ng minor injury sa kanilang tuneup game.
Makakasama ng tropa sina AJ Edu, June Mar Fajardo, Dwight Ramos, RJ Abarrientos, Carl Tamayo, Juan Gomez de Liano, Kevin Quiambao at Troy Rosario.
Optimistiko si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa magiging laban ng kanyang bataan lalo pa’t mas naging mahaba ang preparasyon nito ngayon kumpara sa nakalipas na window ng qualifiers.
Maliban sa New Zealand, haharapin din ng Gilas ang Australia sa Perth sa Hulyo 6.
- Latest
























