Gilas kasado na vs New Zealand
MANILA, Philippines — Handang-handa na ang Gilas Pilipinas para sa pukpukang labang haharapin nito kontra sa New Zealand sa third window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na lalarga sa Biyernes sa Auckland, New Zealand.
Ramdam na ramdam na ang bangis ng Gilas matapos nitong walisin ang dalawang friendly games nito kontra sa mga NBL teams.
Unang tinalo ng Gilas ang Manawatu Jets noong Linggo sa iskor na 92-61 kasunod ang pagpapabagsak sa Franklin Bulls 94-66.
Umaasa si head coach Tim Cone na madadala nito ang magandang momento sa kanilang laban kontra sa New Zealand.
Hindi naglaro sina naturalized player Justin Brownlee at Mike Phillips sa huling tuneup game ng Gilas upang makapagpahinga ang mga ito.
Ngunit sinabi ni Cone na kasama pa rin ang dalawa sa ensayo ng tropa para masigurong magagamay ng mga ito ang sistema.
Galing si Brownlee sa pukpukang kampanya sa PBA Commissioner’s Cup kung saan tinulungan nito ang Barangay Ginebra na makopo ang kampeonato.
Nagtamo naman ng ankle injury si Phillips sa tuneup game ng Gilas laban sa Bulls dahilan para bigyan ito ng pahinga para mabilis na makarekober para sa laban sa Biyernes.
Wala naman nang bearing ang laban ng Gilas sa New Zealand na lalaruin sa Spark Arena.
Subalit magandang pagkakataon ito para mas lalo pang masukat ang kapasidad ng Gilas bilang paghahanda sa mas malalaking laban na haharapin nito sa susunod na round ng qualifiers.
Partikular na binabantayan ni Cone kung paano maglaro ang Gilas nang wala sina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown.
Matapos ang New Zealand, sasagupain naman ng Gilas ang Australia sa Perth sa Hulyo 6.
- Latest



















