VP Sara inisnab pre-trial conference

MANILA, Philippines — Hindi dumalo si Vice President Sara Duterte sa unang araw ng pre-trial conference kaugnay ng paglilitis laban sa kanya sa Senate Impeachment Court.
Nagharap ang House Impeachment Team at House Prosecution panel kung saan pinag-usapan ang mga “administrative matters” at sinimulan na rin ang “markings” ng iba’t ibang dokumento.
Humarap din ang mga private prosecutors na tutulong sa House prosecutors, gayundin ang defense panel.
Pinangunahan ni Atty. Renato Bantug, Jr., Clerk of the Impeachment Court at Senate Secretary, ang pre-trial conference.
Layunin ng mga pre-trial proceedings na magtakda at magpasimple ng mga isyu, tukuyin ang mga ebidensya at mga saksi, magtakda ng mga petsa ng paglilitis, at tugunan ang iba pang mga bagay na magpapabilis sa paglilitis.
Sa panayam, nilinaw ni Atty. Michael Poa, isa sa mga legal counsel ni Duterte na hindi naman tensiyonado ang naganap na pre-trial conference bagaman at unang napaulat na nagkainitan ang ilang abogado sa magkabilang panig. Natural din lamang aniya na magkaroon ng diskusyon na normal na nangyayari rin sa ordinaryong korte.
Hindi bukas sa media ang ginanap na pre-trial conference na itutuloy sa Lunes.
- Latest
















