Pre-trial briefs ng defense panel, ‘ampaw’ - Ortega
MANILA, Philippines — Ampaw o malaki lamang sa papel ngunit kulang sa laman umano ang pre-trial briefs na iniharap ng defense panel ni Vice President Sara Duterte sa Senado, bilang bahagi ng proseso sa nalalapit na paglilitis sa Senate impeachment court.
Ito ang pahayag ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union matapos na pormal na magsumite nitong Huwebes ang prosecution at defense panels ng kani-kanilang pre-trial briefs, kung saan minarkahan na ang mga ebidensya at testigo para sa paglilitis na nakatakda sa Hulyo 6.
Ayon kay Ortega, lumulutang ang maraming katanungan hinggil sa kawalan ng malinaw na depensa ng kampo ni VP Sara, lalo na’t sa trial briefs pa lamang ay tila wala nang laman.
“Sa Ilocos, iisa ang tawag namin diyan: ampaw. Malaki tingnan, magaang hawakan, kasi nga halos walang laman,” ani Ortega matapos irebyu ang pre-trial brief ng kampo ni VP Sara.
Binanggit ni Ortega na bagaman 72 pahina ang dokumento, may mahigit 100 testigo at daan-daang dokumento, tila wala pa ring nakikitang konkretong depensa.
“Sa unang tingin, parang napakatibay. Pero kapag hinanap mo na ang aktuwal na depensa, doon nagsisimulang lumitaw ang problema,” dagdag pa niya.
Giit ni Ortega, ang inihaing pre-trial briefs ng kampo ni VP Sara ay naglalaman lamang ng listahan ng mga testigo at dokumento na una nang tinukoy ng Justice panel ng Kamara.
“The obvious question is simple. Kung kopya ang mga testigo, kopya ang mga dokumento, at kopya ang ebidensiya, nasaan ang depensa?,” kuwestiyon na ipinunto ni Ortega.
Iginiit nito na ang mga Pilipino bagaman hindi mga abogado ay meron aniyang sentido kumon para makilala kung ang mga dokumento ay makabuluhan o wala.
“Hindi naman pahabaan ng dokumento ang laban. Hindi naman paramihan ng pahina. Ang tanong ng taumbayan ay simple. Nasaan ang sagot?,” dagdag pa ng solon.
- Latest
















