EDITORYAL - ?700-M nasayang na pera ng taumbayan
SA pormal na pagluklok kay Senator Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President, salamat sa mapagpasyang ika-13 boto ni Senator Joel Villanueva, pilit na ipinapakita ng mataas na kapulungan na nagbalik na ang ‘normalidad’. Mabilis na binalasa ang mga komite at ipinasa ang pondo para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao. Habang mabilis na lumilikha ng naratibo ang mga mambabatas tungkol sa “healing” at “moving on,” may isang malaking numero ang hindi dapat hayaang mabaon sa limot ng taumbayan: ?700 milyon.
Iyan ang kabuuang halaga ng pera ng bayan na nagastos sa loob lamang ng 28-araw na pamumuno ng napatalsik na si Alan Peter Cayetano. Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, ang pondong ito ay walang ibinunga kundi anarkiya, pambuboykot sa sesyon, at mga pekeng pagdinig.
Ngunit ang pinakamatinding sampal sa mukha sa bansa ay ang opisyal na konklusyon ng Department of Justice (DOJ). Pinasinungalingan ng DOJ ang madramang pahayag noon ni Cayetano na ang Senado ay “under attack” noong gabi ng May 13. Lumabas sa imbestigasyon na ang pagpapaputok laban sa mga ahente ng NBI ay walang basehan at hindi makatwiran. Ang naganap na barilan ay isang “orchestrated scheme” upang itakas si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa mula sa warrant ng International Criminal Court. Ang gawing kanlungan ng isang pugante ang Senado, gamit ang pera at armas na pinondohan ng buwis ng mamamayan, ay isang pambansang kapinsalaan.
Sa halip na humingi ng paumanhin, nagawa pa nina Cayetano at ng kanyang walong kaalyado—kabilang ang nakakulong na si Jinggoy Estrada—na dumulog sa Korte Suprema upang ipawalang-bisa ang bagong liderato. Tahasan nilang idinikit ang kanilang petisyon sa napipintong impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, at pinalalabas na ang pagpapatalsik sa kanila ay maniobra ng Malacañang. Isang desperadong “dirty trick,” ika nga ni Lacson. Katunayan, sa pag-upo ni Gatchalian na may dalang 13 solidong boto, nawalan na ng saysay o naging “moot and academic” ang kanilang inihahaing reklamo.
Ang demokrasya ay may bayad, ngunit hindi binabayaran ng mga Pilipino ang kanilang buwis para sa isang sirkus. Ang tunay na paghilom ng Senado ay hindi makakamit sa simpleng pagpapalitan ng upuan sa komite. Ang bagong tatag na Rules at Ethics Committee ay may moral na obligasyong papanagutin at kasuhan ang mga mambabatas na naging utak sa pagtakas ng isang wanted, at singilin ang mga umabuso sa kaban ng bayan. Ang “moving on” na walang hustisya ay hindi kapayapaan, kundi pakikipagsabwatan sa mga lumabag sa batas.
- Latest





















