VP Sara dapat humarap sa impeachment trial
Ayon sa Senate rules
MANILA, Philippines — Kailangang dumalo si Vice President Sara Duterte o ang kanyang abogado sa impeachment court ng Senado, o magsumite ng nakasulat na sagot alinsunod sa lumang impeachment rules. Kung hindi, awtomatikong ipapasok ang plea na “not guilty” para sa kanya.
Ito ang punto na binigyang-diin ni Manila Rep. Joel Chua, pinuno ng House Committee on Good Government and Public Accountability at miyembro ng House prosecution panel, sa Saturday News Forum sa Quezon City. Naghihintay pa ang mga tagausig sa pinal na panuntunan na gagabay sa impeachment trial ni Duterte.
Ayon kay Chua, malinaw sa lumang tuntunin na kinakailangang humarap ang Bise Presidente o ang kanyang abogado, o magsumite ng pormal na sagot sa mga paratang.
“Kasi doon sa old rules nakalagay doon dapat uma-appear ‘yung Vice President or counsel niya or kung hindi man, mag-submit sila ng answer,” ani Chua.
“Otherwise, mag-enter ng not guilty plea,” dagdag pa niya.
Naghahanda ang House prosecution panel para sa impeachment trial laban kay Duterte, na nahaharap sa mga artikulo ng impeachment kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at iba pang opisyal.
Ayon kay Chua, hindi pa nila nakikita ang buong binagong rules na gagabay sa proseso, kaya’t patuloy nilang mino-monitor ang opisyal na ilalabas ng Senado. Sa ngayon, ang natanggap lamang nila ay mga dokumento para sa pretrial conference.
Dagdag pa niya, wala pang pormal na imbitasyon kung kailan inaasahang haharap si Duterte sa impeachment court. Kaya’t nakabinbin pa rin ang kanilang paghahanda habang inaabangan kung maglalabas ng bagong panuntunan ang Senado, lalo na’t may mga usapin pa tungkol sa presiding officer at internal procedures.
Tungkol naman sa posibilidad na dalhin sa Korte Suprema ang mga hindi pagkakaunawaan sa proseso, sinabi ni Chua na dapat munang hayaang magpasya ang Senado bago ito umabot sa legal na pagtatalo. Aniya, mas mainam na hintayin ang magiging desisyon at mga panuntunan ng Senado bago magbigay ng anumang hakbang.
Naghahanda ang House prosecution panel na iharap ang kanilang kaso sa Senado sa oras na magsimula ang paglilitis, kung saan inaasahang tatalakayin sa pretrial ang mahahalagang isyu sa ebidensya, mga saksi, at pamamaraan.
- Latest






















