NPC, kinondena pahayag ni Marcoleta na ‘bayaran’ media
MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng National Press Club (NPC) ang pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta sa Senado na nagbigay ng impresyon na ang mga mamamahayag ay “bayaran.”
Ayon kay NPC President Leonel “Boying” Abasola, ang ganitong malawak at walang batayang akusasyon ay nakasasakit sa propesyon at nagpapahina sa mahalagang papel ng malaya at responsableng pamamahayag sa demokrasya.
“Ang mga pahayag mula sa mga halal na opisyal, lalo na sa loob ng Senado, ay may bigat at impluwensiya sa pananaw ng publiko. Kaya’t dapat itong maging responsable, makatotohanan, at patas,” ani Abasola.
Giit niya, libu-libong mamamahayag ang araw-araw na nagsasakripisyo upang maghatid ng tama at makabuluhang impormasyon, kadalasan ay nalalagay pa sa panganib ang kanilang kaligtasan.
Dagdag pa ng NPC, handa silang makibahagi sa talakayan para palakasin ang etika at integridad sa pamamahayag, ngunit hindi maaaring palampasin ang mga pahayag na walang sapat na ebidensiya at naglalagay sa buong industriya sa negatibong imahe.
“Nanawagan kami sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na igalang ang tungkulin ng media bilang tagapaghatid ng impormasyon at bantay ng demokrasya. Ang pagpuna ay bahagi ng malayang lipunan, ngunit dapat nakabatay sa katotohanan at hindi sa pangkalahatang akusasyon,” pagtatapos ni Abasola.
- Latest























