Sa Piling ng Kalapati (120)
NAKADAMA ng lungkot si Ruth makaraang maalala ang kanyang namayapang ina. Kahit nasa kabilang buhay na ito, hindi pa rin niya malimutan ang mga pagkukulang nito sa kanya. Walang naging mahalaga sa ina kundi ang pansariling kaligayahan. Hindi niya nakitaan ng pagmamahal sa kanya ang ina. Hindi siya nakadama nang pagmamalasakit. Mas pinrotektahan pa ang manyakis na ka-live-in. Kahit na nagsumbong siya dahil sa ginagawang pamboboso sa kanya, hindi siya inintindi at parang sa kanya pa galit.
Dahil sa muling pagbalik ng alaala sa namayapang ina, wala siyang kasigla-sigla nang dumating sa condo. Walang kaimik-imik na pumasok makaraang pagbuksan ni Mommy Donna. Napansin iyon ni Mommy Donna.
‘‘May sakit ka Ruth?’’
Naupo sa sopa si Ruth. Nakatingin sa kisame.’’
‘‘Wala Mommy.’’
“Bakit para kang lantang katuray?’’
Ikinuwento ni Ruth ang mga nangyari. Sinabi niya na nagbalik ang alaala ng ina makaraang may makita siyang dalagitang pulubi kanina.
“Parang nakita ko ang sarili sa dalagita. Hindi ko maiwasang maawa sa sarili dahil kaya ako naging palaboy ay dahil sa kapabayaan ni Inay.’’
“Kalimutan mo na ‘yun, Ruth. Matagal na yun. Ang nakaraan ay nakaraan na. Di ba ikaw din ang nagsabi sa akin na kalimutan na ang mga kabiguan kong natamo habang nasa Japan.’’
Napatangu-tango si Ruth. Sinabi nga niya iyon.
Tama si Mommy, dapat nang kalimutan ang mga nangyari at harapin ang kinabukasan.
(Itutuloy)
- Latest