Apoy sa Balsa (32)
HUMINTO ang motor sa harap ng condo ni Rhea. Bumaba si Rhea at inabot ang helmet, habang si Kael naman ay nanatiling nakaupo sa kanyang motor, pinagmamasdan ang marangyang lobby na nasa likod ng dalaga.
“Paano bukas sa opisina?” tanong ni Rhea, may bakas ng pag-aalala kung paano nila itatago ang nag-aalab na ugnayan.
Humawak si Kael sa manibela ng motor at tumingin nang diretso sa kanya. “Propesyonal sa itaas, totoo sa ibaba. Pagdating sa floor n’yo, ikaw si Mam Rhea at ako ang messenger mo. Pero paglabas natin ng building… sa akin ka.”
Isang matamis na ngiti ang isinukli ni Rhea. Tumango siya bilang pagsang-ayon sa kanilang bagong kasunduan. “Mag-ingat ka sa pagmomotor, Kael.”
“Opo, Ma’am,” sagot ni Kael bago tuluyang pinasibat ang motor paalis, naiwan si Rhea na may baon na tamis sa kanyang mga labi habang umuuwi sa kanyang tahanan.
KINAUMAGAHAN, papasok pa lang si Rhea sa lobby ng ahensiya ay dama na niya ang kakaibang kaba. Pag-akyat niya sa kanyang floor, sinalubong siya ni Amanda. Nagpalitan sila ng isang mabilis ngunit makahulugang tingin bago bumalik ang kanyang sekretarya sa pagiging pormal.
“Good morning, Ms. Rhea. Dumating na po galing sa supplier ’yung mga packaging mockups at malalaking color proofs para sa instant noodle account. Kinuha na po ni Kael sa loading dock para dalhin dito,” ulat ni Amanda.
“Salamat. Sabihan mo si Kael na idiretso sa small conference room,” tugon niya, pinapaseryoso ang boses upang itago ang excitement na makita ang kanyang boyfriend.
Hindi nagtagal, pumasok si Kael sa silid, bitbit ang isang kahon at isang malaking selyadong tube na naglalaman ng mga large-format proof para sa billboard. Suot niya ang uniform ng ahensiya, maayos ang tindig, at walang mabasang emosyon sa mukha.
Nang magsalubong ang kanilang mga mata. Bahagyang ngumisi si Kael at mabilisan siya nitong kinindatan.
Itutuloy
- Latest





















