NAIA janitor nagsoli ng pera ng OFW
MANILA, Philippines — Pinasalamatan ng isang OFW ang isang NAIA Terminal 1 janitor ng ibalik nito ang isang pitaka na naglalaman ng salapi matapos itong makita ng huli na nahulog sa banyo.
Sinulatan ni Gil Wee ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA), para pasalamatan lamang si Andrew Visca, airport cleaner.
Gayunman, hiniling ni Wee kay MIAA general manager Ed Monreal na bigyan ng komendasyon si Visca sa pagsasauli ng kanyang pitaka matapos itong mahulog sa banyo ng umihi siya rito.
‘P4,000 lang ang laman ng pitaka ko pero malaking bagay ang ginawa ni Visca ng isauli niya ito sa akin,” sabi ni Wee.
Ayon kay Wee, naniniwala siyang maraming ‘honest employees” sa NAIA hanggang ngayon.
Matatandaang kinansela ni Monreal ang kontrata ng MIASCOR at tinapos na rin sa Clark International Airport ang serbisyo nito matapos tirahin ng ilang kawani nila ang bagahe ng mag-asawang OFW na galing Canada.
Mismong si Pangulong Duterte ang personal na humingi ng paumanhin sa biktima ng nakawan sa Clark Airport.
- Latest