Mga kolorum ‘wag tantanan!
Daan-daan na ang mga kolorum na sasakyan partikular ang mga bus at vans ang inimpound na ng PNP- Highway Patrol Group sa mga nakalipas na mga linggo.
Ito ay matapos na ipag-utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagwalis sa mga kolorum na sasakyan makaraan nga ang malagim na trahedya na naganap sa isang unit ng Dimple Star bus na nahulog sa malalim na bangin sa Occidental Mindoro kamakailan kung saan 19 ang iniulat na nasawi at mahigit sa 20 ang nasugatan.
Matapos kasi ang trahedya, doon na natuklasan ang mara-ming paglabag ng naturang bus company.
Nagalit ang Pangulong Digong, kaya ang kanyang utos walisin sa lansangan ang mga kolorum at bulok na mga pampublikong sasakyan na naglalagay sa panganib sa mga mananakay.
Matapos ang kautusan, ayun puspusan na ang ginawang operasyon ng ibat-ibang ahensya laban sa kolorum.
Matindi talaga kapag si Pres. Digong ang nag-utos, abay matapos i-operate ang mga kolorum, kapansin-pansin ang pagluluwag ng ilang mga pangunahing lansangan.
Mistulang lumalabas na sankaterba pala talaga ang nagkalat na kolorum sa mga kalye kaya sobrang nagpapasikip sa daloy ng trapiko.
Nawala rin ang mga lugar na ginagawang terminal ng mga kolorum na pampublikong sasakyan, ayun luminis ang maraming daan.
Sana nga ay magtuloy-tuloy ang operasyong ito ng mga kinauukulan, talagang pag may political will walang imposible.
Dapat talaga may ngipin ang isang namumuno, para maayos na maipatupad ang mga batas kahit matitigas ang ulo, makukuhang sumunod kung ganito.
- Latest