Drug-bust: P40-M shabu nasamsam, 7 dakip
MANILA, Philippines — Tumataginting na walong kilo ng shabu na may katumbas na halagang P40-milyon ang nasamsam ng mga otoridad habang pitong miyembro ng isang drug syndicate ang arestado sa ikinasang operasyon ng Northern Police District na umabot sa lalawigan ng Bulacan, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni NPD Director, P/Chief Supt. Amando Clifton Empiso ang mga nadakip na sina Lemar Garzon, 25; Richard Romoquilo, alyas ‘Tinting’, 22; Jayson Estrada, alyas ‘Watog’, 22; Aries Taglada, 27; Renz Gerona, 23; Edward Cruz, alyas ‘Dada’, 32; at Eduardo Tan, alyas ‘Chengwa’, 32-anyos.
Sa ulat, unang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Special Operation Unit (DSOU) sa Navotas City na nagresulta sa pagkakadakip ni Tan.
Nang isailalim sa interogasyon, inginuso niya si Garzon na umano’y lider ng kanilang grupo at ibinulgar ang kanilang kuta sa Bulacan.
Agad na nagkasa ng operasyon ang DDEU at DSOU matapos na maki-pagkoordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at sinalakay ang kuta ng mga suspek dakong alas-10:00 ng Linggo ng umaga sa may Block 13 Phase 4 Camella Homes, Brgy. Pagala, Ba-liuag, Bulacan.
Hindi na nakaporma nang mabulaga ng mga pulis sina Garzon at kanyang mga kasamahan.
Bukod sa walong kilo ng shabu ay nakumpiska rin ng mga pulis ang dalawang kilo ng marijuana, isang M16 armalite rifle, isang Intratec sub-machine gun, dalawang kalibre .45 na baril, isang .9mm na baril, mga bala, dalawang Ford Expedition SUVs na may plakang BEE 104 at SHK 237, at mga panimbang para sa pagre-repack.
Sinabi naman ni Empiso na ang Garzon drug group ay isa sa pinakamalaking supplier ng iligal na droga sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela City).
Ipinasasailalim na rin niya sa ‘ballistic tests’ ang mga nakumpiskang mga baril upang mabatid kung nagamit ang mga ito sa mga insidente ng pamamaslang sa Caloocan at Navotas.
- Latest