Lokal o trabaho sa ibang bansa?
• Ang hirap kaya makahanap ng trabaho rito sa ‘Pinas na makakabuhay ng pamilya kaya mas pipiliin ko na sa abroad na lang maghanap para siguradong buhay ang pamilya ko. Hirap kasi rito sa atin, aalilain ka na nga sa trabaho kakapiranggot naman ang suweldo. Kaya hindi ko masisisi na marami ang umaalis ng bansa para roon sa abroad magtrabaho. – Nico, Batangas
• Dito ako sa atin. Ayokong malayo sa pamilya ko. Isa pa, mahirap magtrabaho sa ibang bansa dahil iba ang kultura nila. Mag-a-adjust ka at kung hindi mo kaya ay baka masiraan ka ng ulo. Marami na akong kakilalang nanggaling ng ibang bansa na may saltik pagbalik dahil sa pang-aabuso ng employer at dahil hindi naka-adjust sa kultura ng bansang pinuntahan nila. – Gerald, Cebu
• Kahit saan okay lang ako, basta maganda ang benefits at sahod. Hindi ako namimili ng trabaho, ang tinitingnan ko ay sahod dahil mas importante sa akin ang pera kesa career. Aaminin kong hindi ako career person, mas gusto kong dumami ang pera ko para may panggastos kami ng pamilya. Hindi ko naman hangad na magyabang ng kahit anong posisyon. Basta mabuhay lang ang pamilya ko. – Ramon, Ilocos Sur
• Sa panahon ngayon, dapat maging matalino sa pipiliing trabaho dahil kung hindi, maiisahan ka lang. Marami ang naloloko ng mga employer mapa-lokal o abroad na ang iniisip lang ay ang kanilang kikitain. Kayang-kaya para sa akin kahit saan man makahanap ng trabaho, pero dapat priority ang kapakanan ng trabahador. Dito man o sa abroad, dapat hindi nalalagay sa alanganin ang empleyado. – Mark, Davao
• Mas gusto ko pa rin dito sa bansa. May iba’t ibang advantage at disadvantage rin ang pagtatrabaho rito kahit sa ibang bansa eh. Dito sa atin, marami ang maliliit lang ang sahod, pero kasama mo ang mahal mo sa buhay. Kung sa ibang bansa ay marami nga ang malaki ang sahod, pero kung mag-isa ka naman ay napakahirap. Ako, bilang close kami sa pamilya ay ayokong mag-abroad.
– Justin, Masbate
- Latest