^

PSN Opinyon

Bitay sa ama

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

INALIS na ang death penalty sa ilalim ng 1987 Constitution dahil hindi makatao at sadyang malupit ang parusang ito.  Pero kung may sapat na dahilan ay maaring magpasa ng batas ang Kongreso para maipataw ito alinsunod sa Article III, Section 19(1) ng ating Saligang Batas. Kaya pinasa ang RA 7659 kung saan death penalty ang parusa sa krimen ng rape sa biktimang wala pa sa labingwalong taon ang edad at tatay niya ang rapist. Ito ang kaso ni Angelu.

Wala pang isang taong gulang si Angelu nang maghiwalay ang kanyang mga magulang at maiwan siya sa pa­nga­ngalaga ng kanyang Lola Beth na nanay ng kanyang ina. Pagkalipas ng labing limang taon na hindi nagparamdam o nagpakita man lang ang ama na si Nato ay biglang sumulpot ito. Ipinagpaalam niya kay Lola Beth na isasama si Angelu para magbakasyon. Unang tumira ang mag-ama sa bahay ng tatay ni Nato, si Lolo Gimo pero pagkatapos ng dalawang buwan ay lumipat naman sila ng tirahan sa tiyuhin ni Nato.  Napilitan silang umalis dahil nakipag-away si Nato sa kapatid na si Tonyo tungkol sa mana sa lupa.

Dahil sila lang ang nasa bahay humiga sa tabi ng anak si Nato, tinakot at inumangan ng icepick ang dalagita para hindi sumigaw, hinubo ang short at panty sabay walang awang ginahasa si Angelu sa kabila ng pagmamakaawa nito dahil sa tindi ng sakit na naramdaman. Tinakot pa siyang papatayin ni Nato kung magsusumbong sa iba.

Sa loob ng 20 araw ay hindi ginalaw ni Nato si Angelu pero nang makalipat sila sa bahay na si Nato mismo ang gumawa, inumpisahan na naman nitong gahasain ang anak. Una ay binusalan siya ng tuwalya sa bibig at itinali ang mga kamay sa sahig na kawayan. Sinubukan ni Angelu na lu­maban at sinipa ang ama pero napatigil siya nang maramdaman ang mahabang gulok na nakaumang sa kanyang tagiliran. Bandang alas tres ng umaga, ay tinutukan pa siya ng gulok at walang awang ginahasa muli sa kabila ng kanyang pakikiusap.

Sa loob ng walong araw ay ganito ang naging takbo ng mga pangyayari. Dalawang beses kung gahasain ni Nato ang anak, una sa gabi at pangalawa sa madaling araw. Walang pakialam si Nato kahit pa nireregla ang anak. Sa tindi ng tawag ng laman ay nabingi na si Nato sa pagmamakaawa ng anak. Dahil sa takot sa ama at sa hiya sa kanyang sinapit ay hindi nagsumbong si Angelu sa mga pinsan tungkol sa ginawang pagyurak sa kanyang pagkababae. Ikinuwento na lang niya ang pambubugbog sa kanya ng ama. Isang beses ay sinubukan niyang magsumbong sa lolo niya pero agad siyang naharang ni Nato.

Sa ikawalong araw ng pagbaboy sa kanya, nang mataas na ang sikat ng araw at nasa trabaho si Nato ay naglakas loob si Angelu na tumakas. Umutang siya sa kapitbahay na si Lui pero hindi siya nakasakay paalis sa lugar na iyon. Nagpagala-gala siya hanggang makilala si Jomar na nagsabi sa kanya ng oras ng mga biyahe. Niyaya din siya ni Jomar na pumunta sa bahay nito pero nahabol siya ng ama. Mabuti na lang at natakasan niya ito. Napadpad siya sa mga burol pero noong sumunod na araw ay inamin na niya sa asawa ni Jomar ang lahat ng ginawa ni Nato sa kanya. Kaya isinama siya nito sa barangay captain at pagkatapos ay sa mga pulis. Sinuri siya ng doktor at napatunayan na ginahasa.

(Itutuloy)

vuukle comment

1987 CONSTITUTION

DEATH PENALTY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with