40 inmates namatay sa siksikang selda
MANILA, Philippines — Pumalo na sa 40 ang bilang ng mga namamatay na inmates dala ng siksikan at mainit na kundisyon sa mga istasyon ng pulisya sa kalakhang Maynila.
Ito ang sinabi ni incoming Philippine National Police chief Oscar Albayalde na kung talagang bibilangin ang mga namatay na mula pa noong July 2016 lang ay nasa 40 lahat sa detention cells ng mga kapulisan.
Ayon kay Albayalde, sa Pasay City naitala ang pinakamaraming bilang ng mga nasawi dahil sa sobrang siksikan sa mga detention cell.
“Minsan good for 30 lang po (ang detention cell), pero ang nakakulong kulang-kulang 100,” sabi niya.
Nito lamang Miyerkules, isang inmate ang namatay matapos na atakihin sa puso sa loob ng detention cell ng Station Investigation and Detection Management Branch ng Pasay City Police.
Ayon sa ulat, hinimatay umano si Domingo Delos Santos at 7 iba pang inmate dahil na rin sa mainit at masikip na selda.
Naisugod sila sa ospital pero dead-on-arrival na si Delos Santos.
Nakikita naman ni Albayalde na ang mabilis na pagkuha ng commitment order mula sa korte ang isang paraan para ma-decongest ang mga selda sa mga istasyon ng pulisya.
Bukod dito, tumutugon din ang local government units para makatulong sa pagresolba ng problema.
- Latest