Kandidato na sangkot sa droga ‘wag tumakbo
MANILA, Philippines — Hindi na dapat pang tumakbo ang mga opisyal ng barangay na sangkot sa illegal drug trade kaugnay ng gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Mayo 14 ng taong ito.
Ito ang sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Officer in Charge-Secretary Eduardo Año na ngayong araw, Abril 14 kasabay nang pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato ay dapat na magsiatras ang mga sabit sa drogang mga kakandidato.
Ang pagsusumite ng COC ay kasabay naman ng implementasyon ng gun ban sa buong bansa. Sinumang aspiranteng kandidato ay malayang magsumite ng COC mula ngayong araw hanggang Abril 20, 2018.
Pinaalalalahanan naman ni Año ang mga botante na maging matalino sa pagboto at huwag ihalal ang mga kandidatong sangkot sa illegal na droga dahilan ang mga ito mismo ang mamumuno sa Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs) sa kanilang mga lokalidad.
Bantay sarado naman sa DILG at Comelec ang mga 3rd termer na opisyal ng barangay na nagplaplano pang tumakbo sa eleksyon gayong ipinagbabawal ito sa batas.
- Latest