Alab Pilipinas puro na
MANILA, Philippines — Hindi na pinalampas ng San Miguel-Alab Pilipinas ang pagkakataon at pinataob ang nagdedepensang Hong Kong Eastern Lions, 98-94 sa Game 1 ng kanilang best-of-three semifinal series noong Miyerkules ng gabi sa Southorn Stadium sa Wan Chai, Hong Kong.
Mas lalo pang hinigpitan ng tropa ni head coach Jimmy Alapag ang depensa upang makaganti sa kanilang dalawang talo sa Hong Kong Lions sa elimination round at humakbang ang isang paa tungo sa best-of-five championship series.
Kumamada si Renaldo Balkman ng 46 puntos na may kasamang 14 rebounds, apat na assists, apat na steals at dalawang blocks para sa 1-0 bentahe ng Filipino team sa serye.
Ang 46 puntos ni Balkman ang panibagong playoff highest scoring record ng ABL na bumura sa dating 45 ni Justin Howard ng Singapore Slingers noong nakaraang taon.
“We just came out and played hard. Every possession we have to keep playing hard on defense and we came together as a team. That’s what the playoff are all about. I told them we’re gonna put on a show when we come down here,” sabi ng 33-anyos na si Balkman ng Puerto Rico.
Mabagal ang umpisa ng tropa ni Alapag kaya naiwanan agad sila ng mahigit 13 puntos, 23-10 sa unang yugto pero agad na nakabalik at umarangkada ang Filipino team sa pangunguna nina Balkman at Justin Brownlee.
Sa iba pang semis match, sinorpresa rin ng fourth seed Mono Vampire Thailand ang top seed Chong Son Kungfu China, 103-94 para sa 1-0 bentahe sa serye sa homecourt mismo ng kalaban nitong Miyerkules rin ng gabi sa Nanhai, China.
- Latest