RSA sa SMB: Nabigyan tayo ng Diyos ng swerte kaya ‘wag tayong magyayabang
MANILA, Philippines – Kahit nasa tuktok na ng tagumpay ang San Miguel Beermen ay pinaalalahanan sila ng kanilang boss na si Ramon S. Ang na manatiling mapagkumbaba lalo na’t hindi pa tapos ang kanilang trabaho.
Nais ni Ang na masungkit ng Beermen ang mailap at mahirap maabot na grandslam.
“Pasalamat tayo sa Diyos na binigyan tayo ng swerte, na nagibgyan tayo ng pagkakataon na manalo ngayong conference na ‘to, pero hindi pa tapos ang trabaho,” wika ng San Miguel Corporation boss sa victory party ng Beermen.
Gumawa ng kasaysayan ang San Miguel sa pagkopo ng ikaapat na sunod na titulo ng All Filipino Cup upang mapantayan ang nagawa ng Crispa Redmanizers.
Bigong magawa ng Beermen ang grandslam nitong nakaraang season matapos silang pagbakasyunin ng Ginebra San Miguel nang magkaharap sila sa quarterfinals ng Governor’s Cup.
Noong 1989 pa huling nagawa ng Beermen ang Grandslam sa pangunguna nina Norman Black, Hector Calma, Elmer Reyes, Samboy Lim at Ramon Fernandez.
“Kailangan maganda pa ang ipakita natin sa dalawa pang conference para itong taong ito, talagang maganda ang kalalabasan,” patuloy ni Ang.
“Ngayon po, nabigyan tayo ng Diyos ng konting swerte. Kaya ‘wag po tayo magyayabang,” dagdag niya.
- Latest