EDITORYAL - Hamon kay Albayalde ang scalawags sa PNP
WALA pang napabalitang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na gumising ng madaling araw para mag-ikot sa mga police stations at naaktuhan ang pag-iinuman ng alak ng hepe at mga pulis nito. Nahuli rin ang natutulog na hepe ng isang police station. At ang gumawa nito ay si NCRPO chief Director Oscar Albayalde. Sinibak ni Albayalde ang mga nahuling nag-iinuman at natutulog habang naka-duty. Nangyari ito noong Pebrero.
Dalawang buwan lang ang nakaraan at nagbunga ang pagkaistrikto ni Albayalde. Nakita ni Duterte ang ginawa niya kaya siya ang napili nitong maging PNP chief, kapalit ni Director General Ronald dela Rosa.
Ngayong siya na ang tiyak na mamumuno sa humigit-kumulang 170,000 na mga pulis sa buong bansa, nararapat ipakita ni Albayalde ang husay sa pagdisiplina sa nasasakupan. Maraming scalawags sa PNP at ito ang dahilan kaya mababa ang pagtingin dito ng publiko.
Maraming pulis ang tinatawag na “15-30”. Nagrereport lamang ang mga ito sa station kapag a-kinse at a-treinta ng buwan. Nararapat sibakin agad ni Albayalde ang mga ganitong pulis. Sibakin din niya ang hepe nito. Imposibleng hindi alam ng hepe ang ginagawa ng kanyang pulis.
Marami ring pulis ang sangkot sa illegal drugs. Bukod sa mga may pulis na drug addict, marami rin sa kanila ang protector ng sindikato. May mga pulis na nagre-recycle ng shabu. Ibabalik sa kalye para pagkakitaan ng limpak. Ito ang dahilan kaya may mga pulis na magagara ang sasakyan at may condo unit.
May mga pulis na kumikidnap at pumapatay. Kapag hindi naibigay ang ransom, pinapatay ang kinidnap. Ganito ang ginawa sa Korean businessman na si Jee ick-joo noong 2016. Tinokhang ang Koreano at sapilitang dinala sa Camp Crame at saka hiningian ng ransom ang pamilya. Nang hindi magkasundo, pinatay ang businessman sa loob pa ng Camp Crame.
Maraming dungis ang PNP dahil sa scalawags na pulis. Wala nang tiwala ang taumbayan sa kanila. Malaking hamon kay Albayalde ang mga pulis na gumagawa ng masama. Linisin niya ang PNP para lalo siyang maging kakaiba sa lahat nang namuno rito.
- Latest