Konsehal dinakip sa droga at mga baril
MANILA, Philippines — Isang konsehal ng bayan ang inaresto ng mga otoridad matapos na makumpiskahan ng mga droga at armas sa isinagawang buy bust operation sa Brgy. Dagupan, Tabuk City, Kalinga kamakalawa.
Ang nasakoteng suspek ay kinilalang si Dexter Batalao, 31, binata, municipal councilor sa bayan ng Pasil, Kalinga at naninirahan sa Sitio Pantal Brookside, Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Sa ulat, bandang alas -2:30 ng madaling araw nang masakote ng pinagsanib na elemento ng Provincial Intelligence Branch, Kalinga Drug Enforcement Unit, Tabuk City Police at iba pang units ng pulisya ang suspek nang abutin nito ang P1,000.00 buy bust money sa isang poseur buyer na pulis.
Nagtangka pa itong tumakas nang matunugan na pulis ang kanyang naging ka-transaksyon, subalit agad itong nasakote.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang buy bust money, isang plastic sachet na naglalaman ng shabu at mga drug paraphernalia. Nakuha rin ng mga awtoridad ang isang Ingram machine pistol na may magazine at silencer accessory, anim na rounds ng cal. 45 pistol, apatnaput’t apat na rounds ng cal. 9 MM at drug paraphernalias.
Nabatid na ang suspek ay kabilang sa High Value Target (HVT) na una nang sumuko sa Oplan Tokhang ng PNP noong Hulyo 16, 2016 pero nagpatuloy sa pagtutulak ng droga.
- Latest