Drug traders, binalaan ni Joy B.
MANILA, Philippines — Binalaan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang mga sindikato ng droga na lumayo sa lungsod o harapin ang mga masisipag na pulis-Quezon City.
Ayon kay Belmonte, ang pagkakahuli ng dalawang drug pushers at pagkakakumpiska ng P1.2 milyong halaga ng shabu sa isang anti-drug operation sa Quezon Avenue kamakailan ay patunay lang sa kagalingan ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD).
“This showed that our policemen are honest and hardworking. They cannot be bought, they cannot be bribed, at hindi sila kasangkot. Seryoso talaga sila,our policemen are disciplined and they really do their job, dito pa lang matakot na sila,” dagdag ni Belmonte.
Bilang chairperson ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC), ang naturang operasyon anya ay isa ring patunay na seryoso ang lokal na pulisya at lokal na pamahalaan sa pagsugpo sa illegal drugs.
Nanawagan din siya sa pamunuan ng PNP na sugpuin ang illegal drug industry “at source” o ang pagtukoy sa pinanggagalingan ng droga at tuluyang pagsira ng supply line nito sa bansa.
“You cannot stop the local (drug) supply kasi kinakalakal talaga ‘yung droga at may pera talaga sa droga. You really have to address it at source, ‘yung pinanggagalingan,” paliwanag ni Belmonte.
Nitong Pebrero 23, inaresto ng mga operatiba ng QCPD ang dalawang hinihinalang tulak ng droga sa isang buy bust operation sa kanto ng Quezon Avenue at Biak-na-Bato Street sa Brgy. Sto. Domingo at nakuha mula sa mga suspek ang P1.2 milyong halaga ng shabu na hinihinalang big time supplier ng shabu sa ilan pang mga lugar sa Metro Manila.
- Latest