EDITORYAL - Gobyerno, kumilos sana sa MRTirik
SA patuloy na aberya na nangyayari sa Metro Rail Transit (MRT-3), tila papitik-pitik ang Duterte administration at masyadong mabagal sa pagresolba sa problema. Noong unang araw ng 2018, tumirik na naman ang MRT-3 at walang nagawa ang mga commuter kundi bumaba at maghintay ng susunod na train. Kaya marami sa commuters, bago sumampa sa train ay dumadalangin na huwag magkaaberya para naman maayos at ligtas silang makarating sa patutunguhan. Wala silang magagawa kundi magdasal sapagkat walang ginagawang mahusay na hakbang ang Department of Transportation (DOTr) para lubusang maisaayos ang MRT. Bagong Taon na pero walang makitang pagbabago ang libong commuters at lalo pang nagiging masama ang serbisyo.
Noong nakaraang taon, mahigit 500 beses na nagkaaberya ang MRT at nagpapatuloy hanggang ngayon. Problema ang maintenance provider Busan Universal Rail Inc. sapagkat sa kabila na napakamahal nitong singil sa pagmimintina ng MRT, sunud-sunod ang aberya gaya nang pagtirik, pagbubukas ng pinto habang tumatakbo, umuusok ang bagon, pagkalas ng bagon, nag-oovershoot sa station at marami pang glitches. Tinerminate na ang kontrata ng Busan noong Nobyembre at ang gobyerno na lamang ang nag-take over sa pagmintina. Pero walang pagbabago sa MRT at lalo pa ngang sumama sapagkat madalas ang pagtirik. Noong Enero 1, 2018, Bagong Taon, inumpisahan agad nang tumirik sa Guadalupe Station at pinababa ang mga pasahero. Problema umano sa electrical ang dahilan.
Kailangan pa bang ang Presidente ang mag-utos sa DOTr na gumawa ng aksiyon sa halos araw-araw na aberya sa MRT. Hindi ba’t ang Presidente na rin ang nagsabi na ayaw niyang mahirapan ang taumbayan. Bakit itong problema sa MRT ay ayaw solusyunan. Kung kailangang itigil ang operasyon ng ilang araw para maisaayos ang pagkasira, bakit hindi gawin. O kumuha nang mapagkakatiwalaang maintenance service provider. O kailangan pang may gumulong na ulo para magtuluy-tuloy ang biyahe ng MRT?
- Latest