EDITORYAL - Listahan ng mga nabakunahan, hanapin
UMARANGKADA na noong Lunes ang Senate investigation sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine makaraang ihayag ng manufacturer Sanofi na palulubhain nito ang dengue kapag naiturok sa hindi pa nagkakasakit nito. Sa madaling salita, dapat lamang itong ibakuna sa mga nagka-dengue na. Itinigil na ng Department of Health (DOH) ang imumunization program dahil sa kontrobersiya. Mahigit 800,000 katao karamihan ay mga batang mag-aaral sa National Capital Region (NCR), Calabarzon at Central Luzon ang nabakunahan noong Abril 2016.
Sa pag-arangkada ng Senate hearing, nagkanya-kanya nang turuan ang mga dating Health officials kaugnay sa Dengvaxia. Lahat ay nagsasabing wala silang kasalanan sa pagbibigay ng bakuna. Wala rin daw nangyaring corruption sa pagbili ng Dengvaxia.
Maraming health experts ang nagsabi na minadali ang pagbibigay ng bakuna. Hindi naman daw napakaseryoso ng dengue sa bansa kaya lubhang nakapagtataka kung bakit ura-urada itong ibinigay sa mga bata. Maari pa naman daw hintayin na mapag-aralang mabuti ang Dengvaxia kung totoong epektibo laban sa dengue. Ilan ang nagsabi na hindi sinailalim sa blood testing ang mga bata.
Humarap din sa pagdinig ang dalawang Sanofi officials at pinanindigan nila na ligtas at mapagkakatiwalaan ang Dengvaxia. Ito ay sa kabila na inamin na mismo ng kompanya na palulubhain ang dengue kapag ibinakuna sa hindi pa nagkakaroon ng sakit.
Magpapatuloy ang pagdinig ng Senado at walang hanggan ang pagtuturuan at pagsisisihan. Habang maraming magulang ng mga batang nabakunahan ang nangangamba sa maaring sapitin ng kanilang mga anak.
Ang nararapat gawin ngayon ng DOH ay hanapin ang mga batang nabakunahan at magsagawa na ng pagmonitor sa kalagayan ng mga ito. Hindi sila dapat hayaan na basta manigas na lamang. Makipag-ugnayan sila sa mga magulang. Kaysa ubusin ang panahon sa pagtuturuan, ang mga kawawang bata ang pagbuhusan ng pansin ngayon. Sila ang dapat unahin at saka na ang mga dapat parusahan kaugnay sa minadaling Dengvaxia.
- Latest