EDITORYAL - Higpit ngayon, luwag bukas sa yellow lane?
DITO sa ating bansa, sa una lang naghihigpit sa pagpapatupad ng batas. Kapag nagtagal na, balik na sa dating gawi. Katunayan, maraming batas na pinagdebatehan nang matagal sa bansang ito ang hindi naipatutupad o kung maipatupad man, panandalian lamang. Sa una lamang mainit pero makaraan ang isang linggo wala na. Kaya nagpapakahirap lamang ang mga mambabatas sa paggawa ng batas dahil hindi naman naiimplement nang maayos.
Itong paghihigpit ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa yellow lane o bus lane sa EDSA ay inaasahang sa simula lamang matindi ang pagpapatupad pero habang tumatagal wala ring mangyayari rito. Nagawa na ito noong panahon pa ni MMDA Chairman Bayani Fernando pero ano ang nangyari? Naghigpit na noon ang MMDA at naglagay pa ng mga orange barriers pero ang ginawa ng mga pasaway na bus drivers, sinagasaan pa ang mga ito. At wala namang nagawa ang MMDA noon sapagkat hindi naparusahan ang bus driver o ang operator. Hanggang sa wala nang nangyaring paghihigpit sa yellow lane. Nawalan nang silbi ang yellow lane.
Ngayon ay ibinabalik muli ang paghihigpit sa yellow lane. Ayon sa MMDA ang lahat nang bus na lalabas sa yellow lane ay huhulihin at pagmumultahin. Bawat paglabas ng bus sa yellow lane ay huhulihin kaya ilang pagmumulta ang gagawin ng bus driver. Sabi ng MMDA, hindi porke at nahuli na ang bus sa Cubao sa paglabas sa yellow lane ay hindi na siya huhulihin kapag lumabag muli sa Ayala Avenue, mali raw ito. Bawat paglabas sa yellow lane ay may katapat na multa. Sabi ng MMDA, ang paghihigpit sa yellow lane ay para mapaluwag ang trapik sa EDSA.
Noong Lunes, 684 na bus ang nahuli dahil sa paglabas sa yellow lane. Tagumpay umano ang unang araw ng pagpapatupad ng batas.
Hanggang kailan ang paghihigpit na ito? Madali nang sagutin dahil hindi ito ang unang paghihigpit sa mga dumadaan sa yellow lane. Matagal nang batas ito at alam na ng mga bus driver na bawal talagang lumabas dito pero dahil ningas kugon ang MMDA sa pagpapatupad, bara-bara na ang lahat.
Higpit ngayon, luwag bukas ang MMDA.
- Latest