EDITORYAL - Bangis ng illegal na droga
MARAMI pa ring drug addict. Patuloy pa rin ang bentahan ng illegal drugs. Kahit saan, namamayani ang bawal na droga at tila wala na ngang takot ang mga sindikato. Maski sa Correctional Institution for Women ay namamayani ang bentahan ng shabu. Ganundin sa New Bilibid Prisons na tila ba ang drug trade ay karaniwan na lamang. Laganap ang droga sa mga barangay at sinasabing 80 percent nito ay drug infested. Ito ang dahilan kaya dalawang beses nang pinagpapaliban ang barangay election sa utos ni Pres. Rodrigo Duterte. Gagamitin lamang umano ng syndicates ang drug money para sa kampanya. Kaya malaking hamon sa pamahalaan ang problema sa illegal na droga. Kahit nagsagawa na nang puspusang kampanya laban sa illegal drugs at marami nang naaresto at may mga napatay pa, tila hindi nabawasan ang mga “salot” ng lipunan. Patuloy pa rin ang kanilang pamamayagpag at tila hindi nababawasan.
Ang nangyaring panggagahasa, pagpatay at pagsunog pa sa isang dalagang empleada ng banko sa Rosario, Pasig noong nakaraang linggo ay kagagawan umano ng mga addict, ayon sa pulisya. Natagpuan ang sunog na bangkay ni Mabel Cama sa isang bus terminal na ginawang impounding area ng MMDA. Ayon sa mga saksi, huling nakitang buhay si Mabel noong Sabado malapit sa bus terminal. Malapit lang ang bahay ng biktima sa terminal.
Limang tao ang inilagay ng Pasig police bilang “persons of interest”. Sabi ni EPD chief Senior Supt. Romulo Sapitula, mahuhuli nila sa lalong madaling panahon ang mga criminal.
Samantala, bangag din sa droga ang sinasabing suspect sa pagpatay sa magkasintahan sa Bataan. Nahuli na kahapon ang suspect.
Problema ang illegal drugs. Walang pagbabago. Sabi ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa, handa silang bumalik para gampanan ang kampanya laban sa illegal na droga kung ito ang ipag-uutos ni Duterte. Noong nakaraang buwan, inalis ng Presidente sa PNP ang papel sa illegal drugs at inilipat sa PDEA.
Kung babalik sila sa utos ni Duterte, sino ang makakatanggi? Ayusin lamang at tiyaking nasa tama ang operasyon laban sa illegal drugs. Huwag hayaang maakusahan ukol sa extra-judicial killings (EJKs).
- Latest