EDITORYAL - Hindi handa ang MRT-3 personnel
HINDI lamang ang sunud-sunod na pagkasira ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) ang nagdadagdag sa kalbaryo ng daang libong commuters. Nagdudulot na rin ng pangamba ngayon sa mga pasahero ang kawalan ng kahandaan ng MRT personnel sa pagdalo sa biglaang pangangailangan ng pasahero. Nakababahala na kapag pala nadisgrasya ang pasahero, unang-unang magpapanik ang mga tauhan ng MRT. Pati guwardiya ay hindi alam ang gagawin sa biglaang pangyayari. Matatanggap na ang maya’t mayang pagkasira ng MRT, gaya nang nangyari kahapon na nahiwalay ang bagon --- pero ang kawalan ng kaalaman sa biglaang pangyayari o aksidente ay nakababahala. Maaaring mapahamak o mamatay ang pasahero dahil sa kawalang kahandaan ng MRT-3 personnel.
Nabulgar ang panibagong reklamo sa MRT makaraang mahulog sa riles ang isang 24-anyos na empleada at nasagasaan ng tren (northbound) ang kanyang kanang braso. Naputol ang braso pero mabuti na lamang ay mayroong medical intern na pasahero na tumulong sa biktima kaya nailigtas ang dalaga at naidugtong muli ang naputol na braso. Dahil sa pagiging alerto ng intern na si Charleanne Jandic, himalang nakaligtas si Angeline Fernando. Binigyan niya ng first aid si Angeline. Nagawang maampat ang dugo. Ipina-dampot niya ang naputol na braso at inilagay sa yelo. Nang isugod sa ospital ang biktima agad naisalba ang buhay at naidugtong ang braso.
Walang kahandaan at nag-panic umano ang mga tauhan ng MRT ganundin ang guwardiya. Hindi malaman ang gagawin. Ni walang kumikilos para mabigyan ng tulong si Angeline. Salamat sa kahandaan at pagiging alerto ni Charleanne. Tinalo niya ang mga taga-MRT na dapat sana’y sila ang magbibigay ng first aid sa pasaherong naaksidente.
Kawawa naman ang mga pasahero ng MRT-3. Hanggang kailan ang kanilang kalbaryo? Magandang pag-isipan kung dapat na ngang itigil ang operasyon ng MRT kaysa naman may masama pang mangyari sa mga pasahero.
- Latest