La Salle, FEU nais makabalik sa porma
MANILA, Philippines — Makabalik sa porma ang parehong layunin ng nagdedepensang La Salle at Far Eastern University sa paglarga ng second round ng UAAP Season 80 men's basketball tournament ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Maghaharap ang Green Archers at Tamaraws sa alas-4:30 ng hapon habang masisilayan naman sa unang laro sa alas-2 ang salpukan ng University of the Philippines at University of Santo Tomas.
Bigo ang La Salle na madungisan ang rekord ng nangungunang Ateneo matapos lumasap ng 75-76 kabiguan noong Linggo.
Wala pa ring bahid ang Blue Eagles na matayog ang lipad tangan ang 7-0 baraha habang nasa ikalawang puwesto ang Green Archers na may 5-2 marka kasalo ang Adamson na may parehong rekord.
Malaki sana ang tsansa ng La Salle na makuha ang panalo subalit isang krusyal na pagkakamali ang nagawa ni Kib Montalbo sa huling sandali ng laro para tuluyang ipaubaya ang panalo sa Ateneo.
Umaasa si Green Archers second-year coach Aldin Ayo na makakabangon ang kanyang tropa sa masamang kabiguan.
Walang iba kundi si reigning MVP Ben Mbala ang mangunguna sa pagresbak ng La Salle.
Si Mbala ang top scorer sa liga tangan ang average na 30.4 puntos kada laro at ikatlo naman sa rebounding hatak ang 11.8 average boards sa limang pagsalang sa first round.
Galing din ang Tamaraws sa pagkatalo kung saan umani ito ng 79-95 pagyuko sa Soaring Falcons noong Sabado na siyang pumutol sa three-game winning run ng Morayta-based squad.
Nahulog ang FEU sa No. 4 spot hawak ang 4-3 marka habang magkasalo ang University of the Philippines at National University sa ikalima na may parehong 3-4 baraha.
Hindi makapaglalaro si Arvin Tolentino para sa Tamaraws matapos patawan ng dalawang unsportsmanlike fouls na nagresulta sa ejection.
- Latest