Jose Rizal pasok na sa Final 4
MANILA, Philippines — Pormal na inangkin ng Jose Rizal University ang ikatlong Final Four berth sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament matapos gapiin ang Mapua, 62-58 kahapon sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Dahil sa panalo, umangat ang Heavy Bombers sa 11-6 panalo-talo na nagbalik sa kanila sa Final Four pagkatapos mabigong pumasok noong nakaraang taon.
Isinalba ang Heavy Bombers ng kanilang depensa sa final stretch kung saan di nila pinaiskor ang Cardinals sa huling dalawang minuto ng laro.
Sanhi ng kabiguan, naputol ang dalawang sunod na panalo ng Mapua at bumaba sa 3-13, panalo-talo.
“Honestly I’m not happy. They didn’t want to follow instructions. They thought they can beat them on offense alone and ayun nga nangyari,” pahayag ni JRU coach Vergel Meneses. “But the last three or four possessions we were able to get defensive stops, we had good blocks.”
Muling namuno si Tey Teodoro sa nasabing panalo sa iniskor niyang 19 puntos.
Nagtapos namang topscorer para sa Cardinals si Almell Orquina na nagtala din ng 19 puntos kasunod si Christian Bunag na may 10 puntos at 19 rebounds.
Sa ikalawang laro, nanatiling buhay ang tsansa ng Arellano University na makahabol sa huling Final Four berth matapos talunin ang season host San Sebastian College, 85-79.
Hindi na nakabalik si Kent Salado sa laro matapos ma-injured sa kanang tuhod may nalalabi pang mahigit walong minuto sa fourth period kaya isinalang ang bihirang mapasok na si Richard Ahanes.
Sila ang nakatuwang ng shooter na si Zach Nicholls at Michael Cañete upang magsilbing pamatay sunog sa mga pagtatangkang humabol ng Stags.
Dahil sa panalo, umangat ang Chiefs sa markang 7-9 karta katabla ng kanilang biktima at posible pang makasingit sa huling final four berth kung mawawalis ang huling dalawang laro sa eliminations.
Kahit na-injured, tumapos pa ring topscorer na may 22-puntos si Salado kasunod si Ca?ete na may 15-puntos habang nanguna naman para sa Stags sina Allyn Bulanadi at RK Ilagan na may tig-14-puntos. FML
- Latest