Media binawalan sa spot report ng PNP
MANILA, Philippines — Pinalagan ng ilang grupo ng mediamen ang pagbabawal ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapalabas ng spot report hinggil sa mga sensitibo at kontrobersyal na kaso.
Kahapon kumalat sa social media ang mariing pagkondena ng mga mediamen sa Cebu na hindi na maka-access sa spot report ng mga pina-follow up nilang mga istorya sa utos umano ng PNP National Heaquarters (NHQ) sa Camp Crame.
Iilang District Police naman sa Metro Manila ang ayaw na ring magpalabas ng spot report dahil baka malintikan umano sila sa kanilang mga opisyal sa NHQ.
Ayon naman kay PNP Spokesman P/Chief Supt. Dionardo Carlos na hindi na bago ang nasabing polisiya sa pagbabawal sa reporter na makakuha ng spot report.
Ang polisiyang ito na iniutos ni PNP Chief P/Director General Ronald dela Rosa ay base sa nakasaad sa PNP Media Manual na umiiral noon pang Pebrero 2014 at ipinaalala lamang sa media.
“If its part of an ongoing criminal investigation hindi ho dapat yan narerelease. So we are again reminding our members na down the line maging maingat na especially to review what is the document classification of that particular document that you plan to release. May classification yan,” pahayag pa ni Carlos.
Nilinaw pa ng opisyal na ipinagbabawal lamang ang paglalabas ng spot report sa media kung patuloy ang imbestigasyon sa kaso lalo na sa mga sensitibong isyu tulad ng rape, may sangkot na kababaihan o di kaya ay menor de edad.
Aminado naman ang PNP spokesman na tila nakakalimutan lamang ng ilang mga pulis ang nasabing polisiya kaya nakakakuha ng spot report ang media.
Sa ilalim ng polisiya ay maari lamang makakuha ng spot report kung may ‘written request’ bagay na dedesisyunan pa ng Director ng Public Information Office sa mga presinto kung ilalabas ito sa publiko.
Ang mga press release, blotter ayon pa kay Carlos ay maari pa rin namang makuha ng media. (Joy Cantos with trainee Engrid Genova)
- Latest