^

Bansa

Murder vs 3 pulis sa Kian slay isinampa na

Doris Franche-Borja - Pilipino Star Ngayon
Murder vs 3 pulis sa Kian slay isinampa na

Sinamahan ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Percida Acosta (kaliwa) sina Saldy at Lorenza delos Santos kasama ang mga testigo sa pagsasampa ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ) laban sa tatlong pulis na sinasabing nakapatay sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos sa isang drug raid sa Caloocan. (Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Pormal nang isinampa ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Department of Justice ang kasong murder at paglabag sa Anti-Torture Law laban sa tatlong pulis-Caloocan na itinuturong bumaril at nakapatay sa Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos.

Kasama ng PAO ang mag-asawang Saldy at Lorenza delos Santos na personal na nagtungo sa DOJ upang ihain ang kaso laban kina Police Officer 3 Arnel Oares at PO1s Je­remias Pereda at Jerwin Cruz.

Bukod sa kanila, kinasuhan din sa DOJ ang kanilang hepe na si Caloocan City Police Community Precinct 7 commander Chief Inspector Amor Cerillo at ilan pang indibiduwal.

Magsasagawa naman ng preliminary investigation ang DOJ para alamin kung nilabag ng mga respondent ang batas sa naturang insidente kung saan inakusahan nila na sangkot sa pagbebenta ng droga si Kian.

Inilagay na rin ang tatlong pulis sa ‘restrictive custody’ para makatiyak na magkakaroon ng patas na imbestigasyon ang Philippine National Police-Internal Affair Service sa pagkakapaslang kay Kian.

Iginiit ng mga respondent na self-defense ang pagkakapatay kay Kian matapos itong  manlaban at magpaputok ng baril nang arestuhin.

Gayunman, sinabi ng pamil­ya na may mga testigo at CCTV na magpapatunay na hindi nanlaban at nagmamakaawa pa ang biktima pero kaagad na binaril ng mga suspek.

Samantala, walang nakikitang pangangailangan si PAO Chief Atty. Percida Acosta para mag-inhibit si Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa reklamong isinampa sa DOJ kaugnay ng pagkamatay ni Kian.

Ayon kay Acosta, hindi naman kasama si Aguirre sa mga hahawak ng preliminary investigation sa kaso ni Kian.

Ang mga piskal mula sa National Prosecution Service ang may hurisdiksyon para isalang sa pagdinig ang reklamo at magdedesisyon kung may probable cause para dalhin ang reklamo sa korte.

Ginawa ni Acosta ang pahayag bilang reaksyon sa pa­nawagan ni Sen. Risa Hontiveros na mag-inhibit si Aguirre sa kaso ni Kian dahil sa kanyang pahayag na ang isyu ng pagkamatay ni Kian ay pinalaki lamang at sinakyan ng mga pulitiko.

Wala namang problema para kay Aguirre kung mag-inhibit man siya sa kaso ni Kian.

Pero may kontra-hamon na binitiwan si Aguirre kay Hontiveros.

Panawagan ni Aguirre, dapat ding mag-inhibit si Hontiveros sa imbestigasyon ng Senado sa kaso ni Kian at sa iba pang mga kaso o isyu kung saan nakukuwestiyon ang kanyang pagiging patas.

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with