Nagpositibo sa paraffin test... Mayor Parojinog, 7 pa nanlaban
MANILA, Philippines - Isa si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr., at pitong iba pa na kabilang sa 16 katao na napatay sa police raid sa loob ng bahay ng una noong Linggo ng madaling araw ang nagpositibo sa gunpowder residue batay sa isinagawang paraffin tests ng mga pulis.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos base sa resulta ng pagsusuri dito ng PNP-Crime Laboratory na makakatulong para patunayang nagkaroon ng shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Sinabi ni Carlos na mayroon ring dalawang tama ng bala sa mukha at dibdib si Parojinog.
“It will show us the firearms that were recovered in the premises were used. There was a gunbattle, there was an exchange of gunfire and will reinforce na meron nagpalitan ng putok kasi nandun po sa loob ng premises yung mga katawan na nag- positive sa gunpowder burns,” ani Carlos.
Base sa report ng PNP Crime Laboratory Region 10, positibo sa gunpowder nitrate sina Parojinog.
Si Mayor Parojinog, misis nitong si Susan , Board member Ricardo Parojinog at 13 iba pa ay napaslang sa raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 10 at Ozamis City Police sa pamumuno ni Chief Inspector Jovie Espenido sa Ozamis City, Misamis Occidental dakong alas-2:30 ng madaling araw noong Hulyo 30.
Samantala, nakakita ng “probable cause” ang Department of Justice (DOJ) sa pagsasampa ng mga kasong illegal possession of firearms and ammunitions at possession of illegal drugs laban sa magkapatid na sina Ozamiz Vice Mayor Nova Princess Parojinog at Reynaldo Jr. makaraan ang madugong pagsalakay ng pulisya sa kanilang bahay.
Sa 14-pahinang resolusyon, nakitaan rin ng ‘probable cause’ ang pagsasampa ng kasong illegal possession of explosives kontra kay Reynaldo Jr.
Kasalukuyang nakaditine sa PNP Headquarters sa Camp Crame ang magkapatid.
- Latest