EDITORYAL - Hindi ‘kapit-tuko’ pero wala ring nagawa
ISANG linggo makaraang ihayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na nagbalik na naman ang drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa mga corrupt na police Special Action Force (SAF) nagsisilbing guwardiya sa pambansang bilangguan, nagbitiw sa puwesto si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Benjamin delos Santos. Hindi na raw siya epektibo bilang BuCor chief kaya nag-file siya ng irrevocable resignation. Kahapon, sinabi ni Delos Santos na wala nang makakapigil sa kanya, kahit pa si Aguirre. Mananahimik na raw siya sa isyu, ayon pa sa report.
Nagpapakita lamang ito na may delikadesa at hindi kapit-tuko sa puwesto si Delos Santos. Hindi katulad ng mga nakaraang BuCor chief na sa kabila ng mga nangyayaring kontrobersiya sa NBP ay hindi matinag-tinag sa puwesto at lubhang makapal ang mukha sa kabila na binabatikos nang kaliwa’t kanan.
Inilagay sa puwesto si Delos Santos noong Nobyembre ng nakaraang taon at maraming umasa na sa pamumuno niya ay mawawakasan ang drug trade sa NBP. Pero hindi ito nangyari sapagkat walong buwan lang siya sa puwesto ay nagbalik na naman ang bentahan ng droga at mas tumindi pa. Mismong si President Rodrigo Duterte ang nagsabi nang magsalita siya sa anibersaryo ng BJMP noong Martes na kaya raw laganap ang shabu trade sa NBP ay dahil malaya na namang nakakapasok ang cell phone at iba pang gadgets.
Sabi ni Aguirre, nasilaw ang ilang SAF sa alok na milyong piso ng drug syndicate kaya lumaganap muli ang shabu sa loob. Dahil matagal nang naka-posteng guard ang mga SAF, nakapalagayang loob ng drug syndicates at nasuhulan na. Sino ba ang makatatanggi sa milyones na suhol na kahit habambuhay maging SAF trooper ay hindi kikitain ang ganun.
May kasalanan din si Delos Santos sa nangyari sapagkat hindi niya na-monitor ang galaw ng SAF. Bilang hepe, dapat nalalaman niya ito lalo pa’t notorious ang drug syndicates sa pag-iisip ng paraan kung paano muling makababalik sa dating business.
Hindi kapit-tuko sa puwesto si Delos Santos pero nakakahiya ring sabihin na wala siyang naiwang marka sa pambansang bilangguan na patuloy ang problema sa illegal na droga.
- Latest