Ginebra kakasa sa San Miguel sa PBA finals
MANILA, Philippines - Naipormalisa ng Barangay Ginebra ang pagrampa sa finals matapos patumbahin ang Star Hotshots sa bendisyon ng 89-76 panalo sa Game 7 ng Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup best-of-seven semifinals serie s kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tinapos ng Gin Kings ang serye bitbit ang 4-3 desisyon.
Hinablot din ng Gin Kings ang Game 3 (73-62), Game 4 (93-86) at Game 6 (91-67) habang naipako ng Hotshots ang panalo sa Game 1 (78-74), Game 2 (91-89) at Game 5 (89-80).
Ito ang ika-23 pag-entra ng Gin Kings sa finals.
Kumana si Sol Mercado ng 23 puntos habang bumanat ng 21 si LA Tenorio at nagdagdag ng 19 si Japeth Aguilar para pamunuan ang ratsada ng Gin Kings.
Makakasagupa ng Gin Kings ang reigning champion San Miguel Beer na nauna nang umusad sa finals matapos patalsikin ang Talk ’N Text sa hiwalay na best-of-seven semifinal series nitong Lunes.
Naiselyo ng Beermen ang serye hawak ang 4-3 desisyon.
Nakuha ng SMB ang Game 1 (111-98), Game 4 (97-86), Game 6 (104-88) at Game 7 (96-83) laban sa panalo ng TNT sa Game 2 (87-85), Game 3 (98-92) at Game 5 (101-94).
Sisimulan ng Gin Kings at Beermen ang best-of-seven championship showdown sa Biyernes sa parehong venue habang darayo ang serye sa Lucena City sa Linggo para sa Game 2.
Aarangkada naman ang Game 3 sa Marso 1 at Game 4 sa Marso 3 na parehong lalaruin sa Smart Araneta Coliseum.
Kung mapapahaba ang serye, gaganapin ang Game 5 sa Marso 5 sa Big Dome kasunod ang Game 6 sa Marso 8 sa MOA Arena at Game 7 sa Marso 10 balik sa Big Dome.
Target ng Beermen na maitagay ang ikapitong All-Filipino title at ika-22 korona sa liga sa kabuuan habang pakay ng Gin Kings na lagukin ang ika-10 kampeonato sa professional hoops.
Nag-ambag ng 10 puntos si Scottie Thompson habang may pinagsamang 13 puntos sina Jervy Cruz at Joe Devance sa panig ng Ginebra.
Nawalan ng pakinabang ang 22 puntos na pinaghirapan ni Allein Maliksi sa panig ng Hotshots.
- Latest