Phl team slots paglalabanan sa CPJ event
MANILA, Philippines – Ang mga puwesto sa Philippine team ang pag-aagawan sa paghataw ng SMART/MVP Sports Foundation/PLDT Home Ultera National CPJ (Carlos Palanca Jr.) taekwondo championships sa Linggo sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ayon sa nag-oorganisang Philippine Taekwondo Association, humigit-kumulang sa 800 atleta ang lalahok sa dalawang events – ang kyorugi (free sparring) at poomsae (forms).
Itatampok sa Kyorugi ang mga senior, junior at Cadet male at female fighters, habang ang poomsae competition ay hinati sa individual, team at pair.
Sinabi ni PTA Secretary General Monsour del Rosario na ang mga best performers ang makakapasok sa national team para sa taong ito.
Ang torneo ay magsisilbing tune up para sa Philippine team members na sasabak sa World Taekwondo Championships sa Muju, Korea pati na sa Southeast Asian Games sa Malaysia sa Agosto.
Ang mga inaasahang lalahok ay sina Elaine Alora, Pauline Lopez, Francis Aaron Agojo, Robert Kristopher Uy, Samuel Thomas Morrison Harper at Ronna Ilao.
Ang torneo na itinataguyod ng PLDT, Meralco, Philippine Sports Commission at Milo ay magsisimula sa alas-9 ng umaga.
- Latest