Duterte ‘very good’ pa rin sa SWS survey
MANILA, Philippines – Nanatiling ‘very good’ ang satisfaction ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey ng Social Weather Station para sa last quarter ng 2016.
Nakapagtala si Pangulong Duterte ng 73 percent satisfaction rating kontra sa 12% na hindi satisfied at 15 percent naman ang undecided mula sa 1,500 adult respondents nationwide.
Lumilitaw na +61 percent ang net satisfaction ratings ni Pangulong Duterte sa SWS survey na isinagawa noong Disyembre 3-6 na itinuturing na ‘very good’ pa rin.
Sa kasaysayan ng survey ng SWS ay walang nakakuha ng excellent na marka habang ang Duterte government at si dating Pangulong Benigno Aquino III ay kapwa nakapagtala ng very good ratings sa 1st two quarters ng kanilang panunungkulan.
Ikinatuwa naman ng Malacañang ang patuloy na mataas na ratings na nakuha ni Pangulong Duterte sa SWS surveys na nangangahulugan na kuntento ang taumbayan sa ginagawa ng gobyerno kabilang na ang giyera kontra droga.
Kahit sa pinakahuling survey ng Pulse Asia ay nanatiling mataas ang approval at trust rating ng Pangulo kung saan ay nakapagtala ito ng 83 percent na isinagawa noong Disyembre 6-11.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Koko Pimentel na inaasahan na ang mataas na ratings ng Pangulo.
- Latest