2 intsik, mag-asawa timbog sa P3-B shabu
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga elemento ng National Bureau of Investigation at San Juan Police ang dalawang Chinese national at mag-asawang Pinoy sa isang drug bust operation at nasamsam ang nasa humigit kumulang sa P 3 bilyong halaga ng shabu sa San Juan, kahapon.
Hindi muna pinangalanan ang dalawang Chinese at mag-asawang Pinoy habang isinasailalim pa sa interogasyon.
Batay sa ulat, bandang alas-12:00 ng tanghali nang isagawa ang operasyon malapit sa Club Filipino sa Greenhills ng lungsod at nasamsam ang nasa 100 bags na tumitimbang ng 6-10 kilo ng shabu sa isang residential area sa Mangga Street ng lungsod na ang isang kilo ng shabu ay nagkakahalaga ng P5-6 M kung high grade ang epektos kung saan tumaas ang presyo nito dahilan sa pinaigting na anti-drug campaign ng mga otoridad.
Nabatid na ang mag-asawang Pinoy ay hindi target ng operasyon, pero kasama ang mga ito sa inaresto matapos na maabutan ng mga operatiba sa lugar kung saan isinasagawa ang anti-drug operation.
Narekober rin sa mga suspect ang dalawang behikulo, isang Honda CRV at isang kulay itim na Subaru Forester at hindi pa madeterminang cash kabilang ang P20,000 na ginamit sa drug bust operation.
Nakuha rin sa operasyon ang mga likido na gamit na sangkap sa pagmamanupaktura ng shabu.
- Latest