14 arestado sa drug bust
MANILA, Philippines – Arestado ang 14-katao na sinasabing nasa drug watchlist habang 22 naman ang sumuko sa isinagawang “One Time Big Time at Oplan Tokhang” ng pulisya sa Taguig City kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Supt. Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Southern Police District (SPD), bandang alas-8 ng umaga nang maaresto ang 13 kalalakihan at isang babae sa bisinidad ng Labao Street sa Barangay Napindan sa nasabing lungsod.
Nabatid na ang mga suspek ay naaktuhan sa pot session sa isang bahay na ginawang drug den sa naturang lugar.
Nasamsam sa mga suspek ang ilang plastic sachet na may shabu at ilang drug paraphernalia.
Bukod sa mga drug personalities ang nadakip, umaabot naman sa 22-katao ang sumuko sa operasyon at umaming gumagamit ng droga.
Nakumpiska rin ng pulisya ang 21 motorsiklo na sinasabing gamit sa drug trade ng mga suspek.
Hindi naman sasampahan ng kasong kriminal ang mga sumuko at isasailalim sa rehabilitasyon.
- Latest