Gustong mapalapit sa stepdaughters
Dear Dr. Love,
Matagal nang yumao ang asawa ng mister ko. Bagaman gaya rin namin, walang anak si Sixto kay Grace. Pero may anak sa dating asawa ang babae na itinuturing na sariling anak ng aking asawa.
Kahit na bumukod ang dalawang dalaga nang makasal kami ni Sixto ay nananatili pa rin silang kasama sa mga mahahalagang okasyon ng pamilya at kung sem break ay sa aming tahanan din sila naglalagi.
Ewan ko po, Dr. Love pero hanggang ngayon ay hindi ako komportableng tawagin nilang daddy ang asawa ko. Malapit sila sa aking mister.
Ang mungkahi ni Sixto, kung hindi raw ako magagalit ay sa aming bahay na sana tumira ang kanyang mga stepdaughters. Wala namang masama roon dahil wala naman kaming anak at aalug-alog kami sa malaki naming bahay.
Sa totoo lang, una ko nang gusto mag-ampon kami. Pero gusto ko na rin mapalapit sa mga itinuturing na anak ng aking asawa. Ano po ang palagay ninyo, Dr. Love dapat na ba akong pumayag sa mungkahi ng aking asawa?
Maraming salamat po at more power!
Gumagalang,
Left in the dark
Dear Left In The Dark,
Tama ka na walang masama sa mungkahi ng iyong asawa, kaya ano ang ipag-aalinlangan mo na patirahin na rin sa inyong bahay ang mga stepdaughters niya. Gaya ng iyong asawa ay ariin mo na rin na parang sa iyo ang mga itinuturing na niyang tunay na anak.
Tutal ay wala naman pala kayong anak. Kalimutan mo na ang balak na mag-ampon pa. Dahil may dalawang dalaga na sa palagay ko ay matagal nang naghahangad na magkaroon ng isang ina sa katauhan ng babaeng minamahal ng kanilang itinuturing na ring tunay na ama.
DR. LOVE
- Latest