ASG, 79 pa tiklo sa ‘Oplan Galugad’
MANILA, Philippines - Umabot sa 80 katao na sangkot sa iligal na droga ang inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa ginawang ‘Oplan Tokhang’ at ‘Galugad’ sa Brgy. Culiat, sa lungsod kahapon ng umaga.
Sinabi ni P/Supt. Danilo Mendoza, hepe ng QCPD Stn. 3, ito ang pangalawang operasyon na kanilang ginawa sa Brgy. Culiat base na rin sa impormasyong ipinarating ng mga concerned tribal leaders dito hinggil sa panunumbalik ng iligal na transaksyon ng droga.
Sinabi pa ng opisyal na mahabang oras ang ginugol nila bago ang pagsalakay dahil sa impormasyong tatlong bahay dito ang ginagawang drug den.
Samantala, kabilang anya sa 80 mga naaresto ang 20 high value target at ang isa umanong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) subalit hindi pa ibinunyag ng opisyal ang pangalan.
Nilinaw ni Mendoza na galing anya ang impormasyon o memorandum sa Camp Crame hingil sa ASG kung kaya masusi pa nilang pinag-aaralan ito bago sila gumawa ng aksyong masampahan ito ng kaso.
Sa kabuuan, dagdag ni Mendoza, umabot sa 100 gramo ng shabu at mga drug paraphernalia ang kanilang nasamsam na isusumite anya nila sa crime lab para sa kaukulang desposisyon.
Magugunitang August 31, 2016 nang unang salakayin ng PS-3 ang nasabing lugar kung saan nasa 72 katao ang naaresto dahil sa kahalintulad na aktibidad.
- Latest