Mag-amang Duterte itinuturo sa pagkamatay nina Richard King, Jun Pala
MANILA, Philippines – Dahil sa alitan ay iniutos umano nina Pangulong Rodrigo Duterte at Paolo Duterte na patayin ang kanilang mga karibal na sina Richard King at Jun Pala, ayon sa isang lumitaw na miyembro umano ng Davao death squad (DDS).
Ikinuwento ni Edgar Matobato sa imbestigasyon ng Senado ngayon Huwebes na iniutos ng nakatatandang Duterte sa kanilang grupo na patayin si ang broadcaster na si Pala. Aniya nangyari ito noong 2003 kung saan alkalde pa ng Davao City ang ngayo’y Pangulo.
Dumaan aniya ang utos sa kanilang team leader na si SPO4 Arthur Lascañas ngunit nilinaw ni Matobato na hindi siya ng pumatay kay Pala.
BASAHIN: Umano'y miyembro ng Davao death squad idinawit si Duterte
Una nang nabanggit ng Pangulo nitong Hunyo ang pagkamatay ni Pala dahil sa umano’y pagiging masamang mamamahayag.
“The example here is Pala. I do not want to diminish his memory, but he was a rotten son of a bitch,” sabi ni Duterte. “He deserved it.”
Komentarista sa radyo si Pala na tumataligsa sa communist vigilante group Alsa Masa at DDS. Naging konsehal din siya ng lungsod ngunit taong 2003 nang siya ay tambangan ng dalawang kalalakihan.
Itinanggi na rin noon ng Pangulo na siya ang nasa likod ng pagkamatay ni Pala.
Samantala, isiniwalat din ni Matobato ang pagpapapatay naman ng nakababatang Duterte sa bilyonaryong negosyanteng si Richard King noong 2014 dahil naman sa isang babae.
BASAHIN: Duterte pina-ambush umano si De Lima
Sinabi ni Matobato na pinlano ito ni Paolo dahil magkaribal sila ni King sa isang babae. Nangyari ang pagpaplano umano sa kanilang tanggapan kaya alam niya ang mga detalye.
Aniya sina Joel Tapales at Loloi Gabas ang kumitil kay King ngunit sa huli ay pinatay din ang dalawa.
Lumutang umano si Matobato dahil sa kaniyang konsensya matapos ang ilang dekadang pagpatay ng mga iniuutos ni Pangulong Duterte noong alkalde pa lamang ito.
- Latest