Carabao Man (134)
“MARAMING ikinuwento sa akin si JP, Maricel,” sabi ni Mang Nado habang nakikipag-usap kay Maricel sa cell phone. “Marami raw siyang kasalanan sa’yo. Sa himig ng pananalita ay pinagsisisihan na ni JP ang mga nagawa sa’yo noon.’’
“Naalala pa pala niya iyon, Mang Nado.’’
“Oo. Seryosong-seryoso siya sa pagsasalita.’’
“Akala ko, nalimutan na niya yung hindi pagpansin sa akin minsang nagtungo ako sa condo niya. Awang-awa po ako sa aking sarili noon Mang Nado. Gusto ko pong umiyak sa pagkaawa sa sarili. Nasabi ko, bakit ba kailangan kong makipagkita kay JP? Sana hindi ko na nagawa iyon.’’
“Pinagsisisihan na niya iyon. Alam mo, habang nagkukuwento siya ay nangingilid ang luha. Siguro’y dahil nga nagsisisi at nagawa niya iyon sa’yo.’’
Natahimik si Maricel.
Maya-maya ay kinumusta kung ano ang pinagkakaabalahan ni JP.
“’Yung dati niyang ginagawa noon. Nagpapastol ng kalabaw at nagtatabas ng mga damo sa bukid. Sabi ko, huwag muna siyang magpaka-pagod dahil kahit naman hindi siya gumawa sa bukid e kakain pa rin kami. Malaki pa ang naipon naming pera mula sa padala niya noong artista pa. At meron pa rin kaming paupahang bahay. Marami kaming naipundar mula sa pag-aartista niya.’’
“Salamat naman po at naituwid ang landas ni JP.’’
“Oo nga. Pero ang inaalala ko ay baka muli siyang bumalik sa pagdodroga kapag hindi ka nakita. Parang gusto niyang humingi ng tawad. Para bang hindi siya matahimik hangga’t hindi siya nakakaluhod sa harapan mo.’’
Napahagikgik si Maricel.
“Bakit naman po luluhod pa siya, Mang Nado.’’
“E kasi nga’y labis-labis ang pagsisisi niya.’’
Natahimik si Maricel.
“Kaya nga ang samo ko ay umuwi ka na rito Maricel. Parang awa mo na kay JP.’’
“Hindi ko po masabi kung kailan, Mang Nado. Basta darating po ako.’’
“Salamat, Maricel.’’
PATULOY na napapansin ni Mang Nado ang pag-iisa ni JP. Madalas na nakatingin sa kawalan.
Nangangamba si Mang Nado. Baka magbalik sa pagiging adik si JP.
(Itutuloy)
- Latest