Ang kaso ni MJ
NABUHAY na naman at higit pang nag-alab ang kaso ng OFW sa Indonesia ni Mary Jane Veloso na nakapiit sa Indonesia sa kaso ng pagpupuslit ng droga. Bitay ang hatol na parusa kay Veloso pero nakiusap ang pamahalaang Pilipinas na hintayin muna ng Indonesia ang resulta ng paglilitis sa mga Pilipinong recruiter ni Veloso para patunayang isa lang biktima si Veloso na walang kamalay-malay na ang ipinabitbit sa kanyang bagahe nang lumisan siya sa Pilipinas ay nagtataglay ng malaking kantidad ng heroina.
Sa kasamaang palad ay nabisto ito sa paliparan sa Indonesia kaya siya inaresto, ikinulong, nilitis at hinatulan ng kamatayan sa firing squad. Nang dumalo si Presidente Duterte sa ASEAN Summit sa Laos, nagtungo siya sa Indonesia upang kausapin si Presidente Widodo. Ang batid ng lahat ay makikiusap siya kay Widodo na bigyan ng clemency si Veloso. Pero ang sumulpot na balita ay ibinigay na raw ni Duterte kay Widodo ang go-signal na bitayin na si Veloso. Natural na sumiklab ang galit hindi lamang ng mga kaanak ni Veloso kundi pati na yung ibang may mga kaanak na OFW. Pero pinabulaan ng Malacañang na nagbigay ng ganung pahintulot si Duterte. Anang Pangulo ang tanging sinabi niya kay Widodo ay “implement your law and I will not interfere” na binigyang interpretasyon na pagbibigay ng go-signal sa Indonesia na bitayin na si Mary Jane. Ani Duterte, walang kinalaman kay Veloso kundi sa parusang bitay in general ang kanyang pahayag.
Ngunit kung hindi napag-usapan si Veloso sa paghaharap ng dalawang Pangulo, ano ang pinag-usapan nila? Lumalabas ngayon na wala namang nabago. Kung ano ang narating noon ng administrasyong Aquino kaugnay ng kaso ay siya pa ring umiiral ngayon. Na hindi muna bibitayin si Veloso habang hinihintay ang resulta ng legal process dito sa Pilipinas.
Kung mapapatunayang biktima lang talaga si Veloso sa paglilitis dito sa ating bansa, hindi nangangahulugan na lusot na sa bitay ang OFW. Ibig lang sabihin, dun pa lang puwedeng umapela para sa clemency ang ating pamahalaan para kay Veloso. Ngunit tama pa rin ang sinabi ni Duterte. Puwedeng makiusap pero kung igigiit ng Indonesia ang pagpapatupad ng batas na ito, walang magagawa tayo kundi…bow. Let us continue to pray dahil malaki ang nagagawa ng taimtim na panalangin.
- Latest