‘Malacañang’ ni-raid, 2 tulak ng droga, timbog
MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga awtoridad ang isang drug den, na kilala sa tawag na ‘Malacañang,’ sa San Juan City, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang tulak ng droga sa lugar, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang mga nadakip na suspects na sina Edward Solis, alyas Amat at Theresa Tolentino, alyas Tikang, residente ng Road 9, Brgy. West Crame, San Juan City.
Sa ulat ng San Juan PNP, nabatid na dakong alas-12:20 ng madaling araw nang salakayin ng mga awtoridad ang ‘Malacañang’ upang isilbi ang search warrant laban sa mga naarestong suspek.
Nakumpiskahan ng shabu, na di pa matukoy ang halaga, at mga drug paraphernalia ang mga suspek.
Nabatid na tinawag na ‘Malacañang’ ang naturang lugar dahil kilalang ‘hot spot sa droga na pinuprotektahan umano ng isang notorious at untouchable na dating miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na kinilalang si Roger Alonzo.
Bigo naman ang mga pulis na maaresto si Alonzo na residente ng Brgy. West Crame, dahil wala ito sa lugar nang isagawa ang pagsalakay.
Ang mga suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest