Philippine men’s at women’s squad bigo sa Italy at Hungary sa Olympiad
MANILA, Philippines – Pansamantalang napigilan ang pag-akyat ng Philippine men’s at women’s team sa team stan-dings ng kani-kanilang mga dibisyon.
Ito ay matapos matalo ang dalawang koponan sa seventh round ng 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan noong Biyernes ng gabi.
Yumukod ang mga Pinoy sa Italy, 1.5-2.5, habang sumuko naman ang mga Pinay sa eighth seed na Hungary, 1-3.
Itinala ng men’s team ang 1.5-point abante nang makipaghati sa puntos si GM Julio Catalino Sadorra kay GM Daniele Vocaturo sa top board at binigo ni GM Eugene Torre si GM Axel Rombaldoni sa board three.
Hindi ito naduplika nina GM John Paul Gomez at Rogelio Barcenilla, Jr. nang yumukod kina GMs Danyyil Dvirnyy at Sabino Brunello sa kanilang mga marathon endgames.
Sunod na haharapin ng mga Pinoy ang No. 14 Spain na siyang magdedetermina ng kanilang kapalaran sa Olympiad.
Nakawala naman kay WIM Janelle Mae Frayna ang isa sanang panalo nang daigin ni GM Hoang Thanh Trang, ang dating Vietnamese champion na lumipat sa Hungary.
Yumukod si Christy Lamiel Bernales kay WGM Ticia Gara sa board three at natalo si Cathe-rine Secopito kay IM Anita Gara sa board four.
Tanging si Jan Jodilyn Fronda ang nakapaglista ng panalo nang dominahin si IM Szidonia Lazarne Vajda sa second board.
“Frayna missing the winning move that would have given us a 2-2 draw, which would be an upset considering Hungary is seeded eighth,” sabi ni GM Jayson Gonzales, ang NCFP executive director at women’s captain.
Nalaglag ang women’s squad sa top 20 mula sa top 10 sa kanilang 9.0 points.
Haharapin ng mga Pinay ang lower-ranked na Belgium sa eighth round.
- Latest