3 karnaper dedo sa shootout
MANILA, Philippines - Patay ang tatlo sa apat na hinihinalang karnaper makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ilang minuto matapos na holdapin at tangayin ang pinapasadang sasakyan ng isang taxi driver sa lungsod, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nakilala ang isa sa mga nasawing suspek na si Archilles Velasco, 22, ng 4-A Area 7, Luzon Avenue, Brgy. Pasong Tamo QC. Habang wala namang nakuhang pagkakakilanlan sa dalawang kasamahan nito na pawang mga nasa pagitan ng edad na 35 hanggang 40 anyos at burdado ng mga tattoo sa kanilang mga katawan.
Nakatakas naman ang isa sa mga kasamahan ng mga ito at ngayon ay target na ng pagtugis ng CIDU.
Ayon kay PO3 Jim Barayoga, imbestigador sa kaso, ang engkwentro ay nag-ugat matapos na humingi ng ayuda sa QCPD ang biniktima ng mga suspek na si Alberto Topacio, 66, biyudo, taxi driver ng Las Piñas City.
Bago ito, sa pahayag ni Topacio sa pulisya, pinapasada niya ang kanyang Toyota Vios Taxi (AAY-6452) nang pagsapit sa kahabaan ng E. Rodriguez Sr., Avenue, ay pinara siya ng apat na lalaki at nagkunwaring mga pasahero.
Pagsapit nila sa Kamias Road, bigla umano siyang tinutukan ng baril ng mga suspek sabay deklara ng holdap hanggang sa pababain siya ng mga ito sa kanyang taksi at saka itinakas ang kanyang sasakyan.
Tiyempo namang nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ ang tropa ni P/Senior Insp. Manuel Dela Cruz at siyam pang personnel nito sa kahabaan ng North Avenue malapit sa kanto ng Agham Road, Brgy. Vasra at nang matanggap ang alarma at naispatan ang taxi na dumaan.
Nang tangkaing pahintuin ng mga operatiba ang taxi ay binalewala sila ng sakay nito sa halip ay pinaputukan sila sanhi upang mauwi ito sa engkwentro.
Sa pagsisiyasat sa crime scene, narekober ang tatlong piraso ng kalibre .45 baril, mga bala sa chamber nito at 12 basyo pa ng bala ng nasabing mga baril.
- Latest