Ex-pnp Chief Purisima dinakip sa NAIA-3
MANILA, Philippines - Dinakip kahapon ng mga pulis si dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima sa Ninoy Aquino International Airport Terminal-3 nang ito ay dumating mula sa Butuan City.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Victor Deona na isinilbi ng kanyang mga tauhan kay Purisima ang warrant of arrest pagkababa nito sa airport ay agad na idiniretso sa Sandiganbayan.
Magugunita na kamakalawa ay naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan sa kasong graft na may kinalaman sa maanomalyang courier service contract.
Bukod kay Purisima ay kasama rin sa pinaaaresto ang mga dating opisyal ng PNP na sina dating Director Gil Meneses,Chief Superintendent Napoleon Estilles, Allan Parreño, Melchor Reyes, Ford Tuazon, at mga opisyal ng Werfast Documentary Agency Inc., na sina Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerie, Lorna Perena at Juliana Pasia.
Magugunita na una ng naglagak ng piyansa sina Raul Petrasanta, Eduardo Acieto, Lenbell Fabia, Sonia Calixto, Nelson Bautista at Ricardo Zapata Jr.
Kaagad din naglagak ng piyansa si Purisima ng halagang P30,000 at mga kapwa nito mga akusado na sina dating Chief Supts. Napoleon Estilles at Gil Meneses.
Nilinaw naman ng abogado ni Purisima na si Atty.Ponciano Corpus na kusang loob na sumuko ang kanyang kliyente at hindi inaresto ng CIDG.
Nakatakdang basahan nang sakdal ang mga akusado sa Hunyo 20, dakong alas-8:30 ng umaga.
- Latest